1 Samuel 17:1-58 MBB
Scripture:
'Nagsama-sama ang mga hukbong Filisteo sa Soco na sakop ng Juda upang lusubin ang Israel. Nagkampo sila sa Efes-Dammim na nasa pagitan ng Soco at Azeka. Si Saul naman at ang mga Israelita ay nagkampo sa may libis ng Ela, at doo'y naghanda sila sa pakikipaglaban sa mga Filisteo. Magkaharap ang dalawang pangkat: ang mga Filisteo'y nasa isang burol, at nasa kabila naman ang mga Israelita; isang libis ang nakapagitan sa kanila. Isang pangunahing mandirigma ang lumabas mula sa kampo ng mga Filisteo.
Ang pangalan niya'y Goliat, at siya'y mula sa lunsod ng Gat. Ang kanyang taas ay halos tatlong metro. Hinamon niya ang mga Israelita na makipaglaban sa kanya. Tanso ang kanyang helmet, gayundin ang kanyang kasuotang pandigma na tumitimbang ng 57 kilo. Tanso rin ang nakabalot sa kanyang binti at hita, pati ang tabak na nakasakbat sa kanyang balikat. Ang hawakan ng sibat niya'y napakalaki at ang bakal naman na tulis nito ay tumitimbang ng dalawampung libra. Nasa unahan niya ang tagadala ng kanyang kalasag.
Sumigaw si Goliat sa mga Israelita, “Bakit nakahanay kayong lahat diyan para lumaban? Ako'y isang Filisteo at kayo nama'y mga alipin ni Saul. Pumili na lang kayo ng ilalaban sa akin. Kapag ako'y natalo, alipinin ninyo kaming lahat; ngunit kapag siya naman ang natalo, kayo ang aalipinin namin. Hinahamon ko ngayon ang hukbo ng Israel. Pumili kayo ng ilalaban ninyo sa akin!” Nang marinig ito ni Saul at ng mga Israelita, nanghina ang kanilang loob at sila'y natakot.
Si David ay anak ni Jesse na isang Efratita mula sa Bethlehem, Juda. Nang panahong iyon, si Jesse ay mahina na dahil sa katandaan. Walo ang anak niyang lalaki; Si David ang pinakabata. Sina Eliab, Abinadab at Samma, ang tatlong pinakamatatanda niyang anak ay kasama ni Saul sa labanan. Habang sila'y kasama ni Saul, ang bunso namang si David ay pabalik-balik kay Saul at sa Bethlehem para alagaan ang mga tupa ng kanyang ama. Sa loob ng apatnapung araw, umaga't hapong hinahamon ni Goliat ang mga Israelita. Isang araw, inutusan ni Jesse si David, “Anak, dalhin mo agad itong limang salop ng sinangag na trigo at sampung tinapay sa iyong mga kapatid na nasa kampo. Ibigay mo naman ang sampung hiwang kesong ito sa pinuno nila. Tingnan mo na rin ang kalagayan nila at ibalita mo sa akin. Mag-uwi ka ng kahit anong bagay na makapagpapatunay na galing ka nga roon.” Ang tatlong anak ni Jesse ay kasama nga ni Saul at ng mga Israelita sa libis ng Ela at nakikipaglaban sa mga Filisteo.
Kinabukasan, maagang bumangon si David. Ipinagbilin niya sa iba ang mga tupang inaalagaan at nagpunta sa lugar ng labanan, dala ang pagkaing ipinabibigay ng kanyang ama. Nang dumating siya sa kampo, palusob na ang buong hukbo at isinisigaw ang kanilang sigaw pandigma. Nagharap na ang mga pangkat ng Israelita at ng mga Filisteo. Iniwan ni David sa tagapag-ingat ng kagamitan ang kanyang dala at tumuloy siya sa lugar ng labanan upang kumustahin ang kanyang mga kapatid. Samantalang sila'y nag-uusap, tumayo na naman si Goliat sa unahan ng mga Filisteo at muling hinamon ang mga Israelita. Narinig ito ni David. Nang makita si Goliat, ang mga Israelita ay nagtakbuhan dahil sa matinding takot.
Sinabi nila, “Tingnan ninyo siya! Pakinggan ninyo ang kanyang hamon sa Israel! Sinumang makapatay sa kanya ay gagantimpalaan ng hari: bibigyan ng kayamanan, ipakakasal sa prinsesa, at ang buong sambahayan ng kanyang ama ay hindi na pagbabayarin pa ng buwis.” Tinanong ni David sa mga katabi niya, “Ano raw ang gantimpala sa sinumang makakapatay sa Filisteong iyan at sa makakapag-alis ng kahihiyan sa Israel? At sino ba ang paganong ito na humahamon sa hukbo ng Diyos na buháy?” “Tulad ng narinig mo, ganoon ang gagawin ng hari sa makakapatay sa Filisteong iyan,” sagot ng mga kausap niya.
Narinig ni Eliab, ang panganay na kapatid ni David ang pakikipag-usap niya sa mga kawal. Nagalit ito kay David at sinabi, “Anong ginagawa mo rito? At kanino mo iniwan ang iilang tupa na pinapaalagaan sa iyo? Alam ko kung anong nasa isip mo! Gusto mo lang manood ng labanan.” Sumagot si David, “Bakit, ano ba ang ginawa ko? Masama bang magtanong?” Tinalikuran niya si Eliab at nagtanong sa iba, ngunit ganoon din ang sagot sa kanya. Nakarating kay Saul ang mga sinabi ni David at ipinatawag niya ito.
Pagdating kay Saul, sinabi ni David, “Hindi po tayo dapat masiraan ng loob dahil lang sa Filisteong iyon. Ako po ang lalaban sa kanya.” Sinabi ni Saul, “Hindi mo kaya ang Filisteong iyon! Batambata ka pa, samantalang siya'y isang mahusay na mandirigma mula pa sa kanyang kabataan.” Ngunit sinabi ni David kay Saul, “Ako po ang nag-aalaga sa kawan ng aking ama. Kapag ang isa sa mga tupang inaalagaan ko ay tinatangay ng leon o oso, hinahabol ko po ito at inaagaw ang tupa. Kapag hinarap ako ng leon o ng oso, hinahawakan ko ito sa panga at pinapatay. Nakapatay na po ako ng mga leon at mga oso. Isasama ko po sa mga ito ang Filisteong iyon sapagkat ang nilalait niya'y ang hukbo ng Diyos na buháy.” Idinugtong pa ni David, “Iniligtas ako ni Yahweh mula sa mga mababangis na leon at mga oso. Ililigtas din niya ako sa kamay ng Filisteong iyon.” Kaya't sinabi ni Saul, “Kung gayon, labanan mo siya at samahan ka nawa ni Yahweh.” At ipinasuot niya kay David ang kanyang kasuotang pandigma: ang helmet at ang tansong pambalot sa katawan. Nang maisakbat na ni David ang tabak ni Saul at sinubukang lumakad, hindi siya halos makahakbang sapagkat hindi siya sanay sa ganoong kasuotan. Kaya sinabi niya kay Saul, “Hindi ko na po gagamitin ang mga ito.” At hinubad niya ang nasabing kasuotang pandigma.
Pagkatapos, dinampot niya ang kanyang tungkod. Namulot siya ng limang makikinis na bato sa sapa, inilagay sa kanyang supot na pampastol at lumakad upang harapin si Goliat. Si Goliat naman ay lumakad ding papalapit kay David, sa hulihan ng tagadala ng kanyang panangga. Nang makita niyang si David ay isa lamang kabataang may maamong hitsura, nilait niya ito, at pakutyang tinanong, “Anong akala mo sa akin? Aso ba ang lalabanan mo at may dala kang patpat?” At si David ay sinumpa ng Filisteo sa pangalan ng kanyang diyos. Sinabi pa niya, “Halika nga rito at nang maipakain ko ang bangkay mo sa mga ibon at mga hayop.” Sumagot si David, “Ang dala mo'y tabak, sibat at pantusok, ngunit lalabanan kita sa pangalan ni Yahweh, ang Makapangyarihang Diyos ng Israel na iyong hinahamak. Ngayong araw na ito'y ibibigay ka ni Yahweh sa aking mga kamay! Pababagsakin kita at pupugutin ko ang ulo mo. At ipapakain ko sa mga ibon at sa mga mababangis na hayop ang mga bangkay ng mga kawal ng hukbong Filisteo. Sa gayon, malalaman ng buong daigdig na may Diyos sa Israel. At makikita ng lahat ng narito na makakapagligtas si Yahweh kahit walang tabak at sibat. Kay Yahweh ang labanang ito at ibinigay na niya kayo sa aming mga kamay.”
Nagpatuloy ng paglapit si Goliat. Patakbo siyang sinalubong ni David sa lugar ng labanan. Dumukot siya ng bato sa kanyang supot at tinirador niya si Goliat. Tinamaan ito sa noo at bumaon ang bato roon. Si Goliat ay pasubsob na bumagsak sa lupa. Natalo nga ni David si Goliat sa pamamagitan ng tirador at bato. Napatay niya ito kahit wala siyang tabak. Patakbong lumapit si David, tumayo sa likod ni Goliat, hinugot ang tabak ni Goliat mula sa suksukan nito, at pinugutan ng ulo.
Nang makita ng mga Filisteo na patay na ang kanilang pangunahing mandirigma, sila'y nagtakbuhan. Sumigaw ang mga kawal ng Israel at Juda at hinabol nila ang mga Filisteo hanggang sa Gat, sa may pagpasok ng Ekron. Naghambalang sa daan ang bangkay ng mga Filisteo, mula sa Saaraim hanggang sa Gat at Ekron. At nang magbalik ang mga Israelita buhat sa paghabol sa mga Filisteo, hinalughog nila ang kampo ng mga ito at kinuha ang lahat ng kanilang magustuhan. Dinala ni David sa Jerusalem ang ulo ni Goliat, ngunit iniuwi niya sa kanyang tolda ang mga sandata nito.
Nakita ni Saul nang sinusugod ni David si Goliat. Itinanong niya sa pinuno ng kanyang hukbo, “Abner, kaninong anak ang batang iyon?” “Hindi ko po alam, Kamahalan,” sagot ni Abner. “Kung gayo'y ipagtanong mo kung sino ang kanyang ama,” utos ng hari. Nang magbalik si David, sinalubong siya ni Abner at sinamahan sa hari, dala pa rin ang ulo ni Goliat. At tinanong siya ni Saul, “Kanino kang anak, binata?” Sumagot si David, “Anak po ako ni Jesse na taga-Bethlehem.”'
1 Samuel 17:1-58 MBB
Devotion:
Magangdang araw po sa inyo. Nitong mga nakaraang araw ay nagkaroon tayo ng matiging adjustment sa ating buhay dahil sa pagkalat ng CoVid-19 virus dito sa ating bansa. Ngayon po ay naka-community quarantine po ang NCR. Ninanais po nating mapabagal kung hindi man mapatigil ang pagkalat ng virus na ito sa ating bansa. Bukod pa rito ay ang pagtaas pa din ng bilang ng mga nagpopositibo sa CoViD-19. Kung tama po ako, 98 na po ang positive ngayon, according sa report ng DOH.
Isa po sa dulot nitong ganitong pangyayari sa ating bansa at maging sa buong mundo ay takot. Napapanood na natin ang panic buying ng mga tao sa grocery stores. Nagsimula sa pagkaubos ng mga alcohol, ngayon, maging mga pagkain at makikitang marami nang namimili. Palaging nanag mahaba ang pila sa mga grocery. Panic-buying ika nga. Kung hindi tayo mag-iingat sa ating mga sarili, kahit tayo ay maaring kainin ng takot ng unti-unting lumalamon sa ating bayan.
Sa ating scripture na sa 1 Samuel 17, matatagpuan natin ang maaring idulot ng takot sa ating buhay. Matatapuan din natin ang maaring maging solusyon upang ang takot ay mapaglabanan. Bilang mga anak ng Dios, hindi tayo dapat kinakain ng takot, kundi pananalig dahil hindi naman Nawala ang Dios sa pagkahawak sa mundo, hindi Siya natutulog, hindi Siya bumaba sa Kanyang trono.
Ano ba ang naidudulot ng takot:
1. Nakakapanghina (v.11). Sa mga panahon ng mga krisis at mga isyu sa buhay, sa bahay at maging sa lipunan, kailangan ng katatagan at kalakasan upang mapagtagumpayan ang anumang problemang ating kinakaharap. Kapag humihina ang ating kalooban, unti-unting nitong kakainin ang ating lakas at pag-asa; at nag-iiba ang ating pananaw sa buhay. Ang buhay na puno ng saya ay mapapalitan ng lungkot at dusa. Ang nakikita na natin ay ang kalakihan ng problema at nawawala ang kalakasan upang paglabanan ang mga ito.
2. Nakakaparalisa (v.16). Isa sa mga maoobserbahan natin sa kwento ay apatnapung araw na na naghahamon si Goliat, pero walang sinuman ang gusto lumaban kay Goliat. Hindi na maka-usad ang buhay, nandoon na lang sila sa Ela, naghihintay na may lalaban kay Goliat pero tumagal na ng apatnapung araw silang nagtitigan tuwing umaga at hapon ngunit wala pa naman. Naparalisa na sila ng takot kay Goliat. Sa panahon ng krisis at problema, kapag naunahan tayo ng takot, maaring dumating sa punto ng ating buhay na paralisado na rin tayo, walang pag-usad sa buhay, walang pagsasaayos sa mga pangyayari at pagsuko na anumang krisis na nararanasan ay permanente nang kasama sa buhay.
3. Pagpapanggap/Denial (v.20-24). Makikita natin na sa umagang pagdating ni David sa kampo, naglabasan ang mga Israelita, palusob ang mga pangkat sa bawat isa, ngunit nang lumabas sa Goliat, nagtakbuhan sila sa matinding takot. Sa aking palagay, ganoon naman araw-araw sa loob ng 40 days ang kanilang nararanasan. Nandiyan si Goliat laging naghahamon tuwing umaga’t hapon. Wala naming pinagkaiba. Lumabas ang mga hukbo ng mga Israelita na akala mo’y handang lumaban, pero nung lumabas na si Goliat, nagtakbuhan pabalik ng kampo. Maraming mga tao, nagpapanggap na okay at maayos at ayaw kilalanin ang totoong sitwayson na nanagyayari sa kanilang buhay. Sasabihin nilang kaya ko naman ang sarili ko, okay naman ako, pero ang katotohanan ay may dinadalang mga isyu o problema sa buhay. Pagpapanggap na walang dapat kaharapin, pero ang katotohanan ay maaring kinakain na ng takot sa kalooban.
4. Galit (v28). Nagalit si Eliab kay David. Isa sa mga responses ng takot ay galit. Kapag may mga taong nag-cocomment sa ating mga pinagdadaanan na animo’y hindi nila naiintindihan ang sitwayson na ating kinakaharap, ang reaksyon nila ay galit. Ang iba naman ay isinisisi sa iba ang ang dahilan kung bakit may pinagdadaanan. Pinoproject natin ang ating takot sa ibang tao sa pamamagitan ng galit. Sasabihin natin ‘wala kasi kayong alam, o ‘di kaya, ‘hindi niyo kasi ako naiintindihan’; ang katotohanan ay may takot sila sa puso nila na hindi na nila alam ang gagawin kaya napakadaling itago ito at ibuhos sa kapwa sa pamamagitan ng galit. (Bakit kapag unti-unti nang nauubos an budget sa bahay ay napakadaling mag-away-away o kagalitan ang mga anak o ang asawa; takot na nauusi sa galit).
Nang pumasok si David sa kampo, siya ay nag-introduce ng isang pananaw na madalas ay iniiwan natin at hindi natin kinikilala kaya tayo ang nilalamon ng takot. Kaya tayo nauuwi sa panghihina, kaparalisahan, pagpapanggap/denial at galit. Nakakalimutan nating isama si Lord sa usapan ng krisis o isyu. Madalas kasi tinitignan natin ang ating isyu sa ating pansariling pananaw, sa mga nakasanayan, sa kinalakihan, sa kung paano kasi ako ganito na. At iyon ang ipinaglalaban natin. Kung babasahin natin ang kwento, ang pocus ay sa laki ni Goliat, sa mga kagamitan niya, sa sibat, espada, kalasag at iba pa. At ganoon ang nangyayari sa atin tuwing may isyu tayo, nakikita natin ang problema at habang araw-araw naghahamon ang problema, lalu siyang lumalaki sa ating pananaw, mas lalu nating nakikita ang detalye ng dapat nating kaharapin, nakikita natin ang ating kaliitan at dahil sa ibinabatay natin sa ating mga pansariling pananaw ang ating kinakaharap, unti unti nga tayong nanghihina, napaparalisa, ang iba’y in-denial na lang, at ang iba’y nabubuhos sa galit sa kapwa at maging sa sarili.
Basahin natin ang mga sumusunod sa verse kung papaano ipinasok ni David si Lord sa usapan tungkol kay Goliat:
· 'Tinanong ni David sa mga katabi niya, “Ano raw ang gantimpala sa sinumang makakapatay sa Filisteong iyan at sa makakapag-alis ng kahihiyan sa Israel? At sino ba ang paganong ito na humahamon sa hukbo ng Diyos na buháy?” '1 Samuel 17:26
· 'Ngunit sinabi ni David kay Saul, “Ako po ang nag-aalaga sa kawan ng aking ama. Kapag ang isa sa mga tupang inaalagaan ko ay tinatangay ng leon o oso, hinahabol ko po ito at inaagaw ang tupa. Kapag hinarap ako ng leon o ng oso, hinahawakan ko ito sa panga at pinapatay. Nakapatay na po ako ng mga leon at mga oso. Isasama ko po sa mga ito ang Filisteong iyon sapagkat ang nilalait niya'y ang hukbo ng Diyos na buháy.” Idinugtong pa ni David, “Iniligtas ako ni Yahweh mula sa mga mababangis na leon at mga oso. Ililigtas din niya ako sa kamay ng Filisteong iyon.” Kaya't sinabi ni Saul, “Kung gayon, labanan mo siya at samahan ka nawa ni Yahweh.” '1 Samuel 17:34-37
· 'Sumagot si David, “Ang dala mo'y tabak, sibat at pantusok, ngunit lalabanan kita sa pangalan ni Yahweh, ang Makapangyarihang Diyos ng Israel na iyong hinahamak. Ngayong araw na ito'y ibibigay ka ni Yahweh sa aking mga kamay! Pababagsakin kita at pupugutin ko ang ulo mo. At ipapakain ko sa mga ibon at sa mga mababangis na hayop ang mga bangkay ng mga kawal ng hukbong Filisteo. Sa gayon, malalaman ng buong daigdig na may Diyos sa Israel. At makikita ng lahat ng narito na makakapagligtas si Yahweh kahit walang tabak at sibat. Kay Yahweh ang labanang ito at ibinigay na niya kayo sa aming mga kamay.” '1 Samuel 17:45-47
Nang kausap ni David ang mga kawal, ang hari at maging si Goliat mismo, palaging kasama ang pagbanggit tungkol sa Dios. Ipinasok ni David ang Dios, dahil sa pananaw ni David ang lahat ng buhay ay dapat tignan sa pananaw ng Dios—Ano ng aba ang sinasabi ng Dios tungkol sa kinakaharap nating ito.
Maaring sa iilan ay korni o kababawan, pero bilang mga anak ng Dios, hinding-hindi dapat mawawala ang Dios sa usapan ng ating buhay. Sa lahat ng aspeto ng ating buhay dapat may ‘say’ si Lord. Siya Lord ang nagbibigay ng maayos at tamang pananaw kung papaano natin dapat kaharapin ang ating mga kinakaharap sa buhay. Dapat laging bukas tayo sa sasabihin ng Dios. Kaya dapat laging bukas at binabasa natin ang ating mga Bibliya at nananalangin; upang ang ating komunikasyon sa Dios ay bukas.
Sa kalauna’y natalo si Goliat at nanalo si David. Ito ang ginagawa ng Dios sa isang buhay na laging Siyang nakapaloob. Sa mga panahon na nanghihina at napaparalisa, nagpapanggap at nagagalit na ang mga nakapaligid sa atin, ang mga anak ng Dios na hindi kinakalimutan ang Dios sa usapan at laging namumuhay ayon sa Kanyang pananaw (dahil babad sa presensya ng Dios sa pamamagitan ng pagbabasa ng Bibliya, pananalangin at pagsamba) ang nagtatagumpay.
Sa pagtatapos po, ano po ba ang pwede nating gawin bilang application ng ating pagmumuni:
1. Itong pong panahon ng 30 days community quarantine po natin ay gamitin po nating panahon upang pasiglahin ang ating relasyon sa Dios. Maglaan po tayo ng mas maraming panahon upang magbasa ng bibliya at manalangin. Kailangan natin ang pag-asa, pananaw at kapayapaan ng Dios sa panahong ito. Manonood po tayo ng balita ngunit pagkatapos po nating manood ng balita ay mananalangin po tayo bilang maayos na response sa ating mga napanood.
2. Ito pong susunod na 30 pong araw ay panahon po na karamihan ng ating mga kapamilya ay nasa bahay. Hindi po ini-encourage ang ating sinuman na magsilabas ng bahay. Ito po ang panahon din upang palakasin ang ating relasyon sa ating pamilya. Panahon po ito upang ibaba ang cellphone at patayin ang TV at mag-usap-usap bilang isang pamilya. Kumain ng sabay-sabay sa almusal, tanghalian at hapunan. (Sa mga magulang, ipilit niyo po na sabay-sabay. Nasanay na ang ating buhay na tila hiwa-hiwalay tayo at may kanya-kanyang galaw sa ating pamilya, ito po ay isang opportunidad upang ibalik ang sigla bilang isang pamilya). Ito rin po ang panahon upang manalangin ng sama-sama, mag-aral ng salita ng Dios ng sama at sumamba ng sama-sama bilang pamilya. (note: isa po sa pinakanakakalungkot na nangyayari dahil sa quarantine ng mga positive sa Corona virus ay pagdaanan ang sakit ng mag-isa at mamatay mag-isa; imagining niyo po. May sakit ka, tapos sa panahong iyon, parang wala kang karamay. Kung kaya’t habang tayo po ay wala sa ganoong sitwasyon, i-cherish natin ang pagsasama-sama sa ating pamilya.